Sabado

Sa totoo lang ay wala sa hinuha ko ang pumasok ngayong Sabado sa opisina. Halos dalawang buwan na yata akong hindi pumapasok ng Sabado. Hindi ko rin alam kung bakit nga ba ako pumasok gayong p’wede ko namang gawin ang naiwan kong trabaho kagabi sa Lunes. Naiwang trabaho sapagkat naglamyerda ako sa Starbucks kasama ang closest college friend ko. Ilang buwan na rin ang nakakalipas nang huli kaming magkita.

Napakaraming k’wento. Kulang ang oras sa dami ng bagay na gusto naming pag-usapan. At mas marami pa kaming paksang tinalakay sapagkat magkaiba na ang mundo namin ngayon– pareho na kaming nagtrarabaho sa magkaibang industriya. Nakakatuwa lang isipin na nasa ganitong estado na kami ng buhay ngayon gayong dati-rati, noong mga estudyante pa lang kami, madalas naming problemahin kung saan kaming magtratrabaho at kung papaano ba namin gagamitin ang kung ano mang napag-aralan namin.

Sa totoo lang, wala akong balak ilagay sa sulating ito ang kung ano mang nangyari kagabi. Tila nadala lang ako ng bugso ng damdamin. (leche) At talagang pinanindigan ko ang paggamit ng Tagalog gayong maaari ko namang gamitin ang Filipino.

Halos kakatapos ko lang kumain ngayon nang binili kong pagkain sa Chowking. As usual. Hindi ko rin alam kung anong meron doon bakit gusto ko. At tila hindi ako nagsasawa. ‘Your Love’ ang background music dito sa kinarooonan ko pero hindi ako ang nagpapatugtog. Yoko nga nun eh.

Nitong mga nakakaraang araw, napakaraming nangyari sa buhay ko at alam ko na mas darami pa. At sa sobrang abala ko sa trabaho ngayong linggo, nawalan na ako ng oras sa pagsusulat kahit na sa daily journal ko. Kaya naman naipon lahat ng k’wento sa kukote ko. Kaya naman mamaya pag-uwi ko sa Bulacan, siguro, higit sa isang oras ang gugugulin ko para naman maisulat ang kung ano mang nangyari sa mga nagdaaang araw.

Hindi ko alam kung ano ang mas mahirap. Ang magsisi para sa isang bagay na ginawa mo o ang magsisi para sa isang bagay na hindi mo ginawa. Ano nga kaya? Habang tumatanda ako at nakikisabay sa pag-ikot ng mundo, napakaraming bagay ang napapatuyan ko. Malupit ang mundo at maging ang ilan sa mga nilalang na naninirahan dito. Handa nilang gawin ang lahat para makapanira ng iba at umangat lang. Sadyang hindi maganda ang ganoong pag-uugali pero wala naman ako o tayong magagawa roon kung hindi ang magpakatatag.

Marami pang nangyari. Napakarami. At hindi ko alam kung paano ko isusulat ang mga iyon. Ewan. Hindi ko alam. Dati, noong bata-bata pa ako, halos lulong ako sa kung ano mang sinasabi ng iba tungkol sa akin, mabuti man o hindi. Pero ngayong may-edad na ako, wala na akong pakialam. Kung hindi man lubusang walang pakialam, dahil may pagkakataon talaga na maaapektuhan ako ng mga bagay na sinasabi ng iba pero hangga’t maaari ay hindi ko na lang pinagtutuunan ng pansin. Basta ang alam ko lang sa sarili ko ay wala akong tinatapakang tao. Gumawa man ako ng  mabuti o ng masama, paniguradong may masasabi ang iba.

Pero sa totoo lang, napakahirap mabuhay sa mundo na halos lahat ng mata ay nakatuon sa ‘yo at karamihan pa ay nag-aabang ng pagbagsak mo.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s