Buhay Lansangan

Biyernes, ang araw na inaasam ng isang empleyado na katulad ko sapagkat senyales iyon ng dalawang araw na mahabang pahinga matapos ang limang araw na nakakapagod sa opisina. Alas-nueve imedya pasado ako nag-out sa biometrics dahil tinapos ko pa ang quarterly report namin na kung tutuusin naman ay p’wede kong gawin sa araw ng Sabado pero sa kadahilanang ayaw kong pumasok dahil gusto kong magpahinga at magpapatingin pa ko sa dentista, tinapos ko.

Hindi ko maintindihan kung bakit mayroon akong kakaibang kasiyahang nararamdaman sa tuwing naglalakad akong mag-isa sa lansangan ng Ermita na kung tutuusin ay dapat kong itakot. Marahil, isa itong patunay na wirdo akong nilalang o ‘di naman kaya ay marunong lang akong magpahalaga sa katamihikan. Humahanga ako sa mga nagkikislapang ilaw, mga bulungan at tawanan ng mga taong nakakasalubong ko, ihip ng hangin na nagpapasayaw sa mga dahon ng puno, mga sidewalk vendors at iba pa. Marahil ordinaryong bagay lang sila para sa iba pero para sa ‘kin ang mga maliliit na bagay na iyon ang siyang nagdaragdag ng kulay sa buhay. Kung wala ang maliit, wala ang malaki at mahahalagang bagay na pinagtutuunan ng tao ng pansin. Sabi nga ng Management Professor ko, ‘Excellence comes from details.’

Isa sa mga mababaw at magastos kong panuntunan sa buhay ay ‘Treat Yourself Every Friday or after a long day because you deserve it’ at ‘Nagtatrabaho ako para mabuhay at hindi magkasakit’. Titipirin ko ang sarili ko sa pagkain? No way. Ayokong magka-ulcer. Lason na nga ang trabaho ko dahil gabing-gabi na ko nag-a-out, magpapagutom pa ko? Kaya naman pinunan ko ang pangangailangan ng sikmura ko sa Mcdo. Sadya lang na nagbibigay ng kapayapaan ang mga ganoong klaseng lugar na sasabayan pa ng mga banayad na tugtugan. Oo nga’t may ingay na nagmumula sa mga kwentuhan ng ilang tao na nandoroon subalit hindi pa rin iyon sapat na dahilan para masira ang magandang oras para sa sarili ko. Sa katunayan, natutuwa ako sa mga ganoong bagay. May ilan ding kagaya ko na nag-iisa na kumakain doon. Sa isip ko, mga office employees din siguro sila na nais magliwalil at panandaliang makalimutan ang stress na ibinibigay ng trabaho. Nasisiyahan ang puso ko na panoorin ang ilan sa kanila sa ‘di malamang kadahilanan.

Alas-diyes pasado na nang matapos ang paglilibang at pagkain ko sa naturang fast food chain kaya inaasahan ko nang hindi ko aabutan ang LRT. Sinalubong ako ng napakaraming tao na nagnanais din makasakay ng jeep ngunit sa kasamaang palad, lahat ng pampublikong sasakyan na nagdaraan ay puno na. Kung mag-aantay ako doon, alam ko na aamagin ako ng buhay at mas masahol ay ugatin dahil wala talagang maluwag na jeep kaya’t nagdesisyon ako na maglakad papunta sa SM Manila dahil doon sa pagkakaalam ko ay may sakayan pabalik ng Monumento. Sa ‘di inaasahang pagkakataon, nagtama ang mga mata namin ng katrabaho ko na mas naunang mag-out sa ‘kin. Halos isang oras na siyang nag-aantay doon ngunit bigo pa rin. Ayos, meron na akong kasabay. Lilingon-lingon din pala siyang gaya ko na baka may makitang kakilala para naman may kasabay siyang maglakad.

Bigo pa rin kaming makasakay sa may Central kaya naman nagpatuloy an gaming paglalakad. Hindi namin alintana ang pagod at pagkangalay dahil sa k’wentuhan. Natutuwa ako dahil mas nakikilala ko siya. At tama ako na isa siya sa mga taong makakasundo ko sa opisina. Siya ‘yong tipo ng tao na magugustuhan mo hindi sa itsura kung hindi dahil sa pagkatao. Compassion at malasakit sa kapwa ang tinuturo n’ya; at ‘di n’ya batid iyon.

Umulan ng malakas kaya naman naipon ang tao at samahan mo pa ng katotohanan na Biyernes, maraming tao ang nagsisiuwian sa kani-kanilang mga tahanan. Lunes at Biyernes ang dalawa sa mga pasakit na araw sa buong linggo kung ikaw ay luluwas.

Sa kasamaang palad, wala pa rin kaming masakyan kaya naman tinahak namin ang basa at maputik na lansangan. Mabuti na lamang at nagkasalubong kaming dalawa dahil ako ang tipo ng tao na mahina pagdating sa lugar. Malamang ko ay hindi ko alam ang gagawin ko kung ako lang mag-isa. Baka patulan ko na rin ang mga tagang maningil na driver ng sidecar o ‘di naman kaya ay makipag-usap ako sa mga hindi ko kakilala para lamang malibang ako habang nag-aantay ng masasakyan pauwi.

Napadaan kami sa Recto; isang lugar na nakakatakot para sa akin na galing probinsya. Kahit na noong estudyante pa lamang ako ay ganoon na ang pananaw ko. Madilim na mga kalye, mga tao na nagsusugal, mga taong nagkaroon na ng pamilya sa lansangan at doon na nagpapalipas ng magdamag. Nakakalungkot lamang isipin na ganoon ang buhay nila. Halos pareho kami ng pananaw ng ka-opisina ko tungkol sa mga nasaksihan namin. Nakakaawa lang ang mga taong iyon dahil sila iyong mga uri ng tao na hindi inisip ang kinabukasan nila, hindi nagplano para sa isang magandang hinaharap.

“Hindi po ako sanay sa ganitong environment kasi sa ‘min tahimik lang,” usal ko sa kasama ko.

“Ingat ka dito, maraming mandurukot. At saka dito, marami ang nagbibigay aliw. Dati nga, may kumalabit sa ‘kin, akala ko ay mamalimos dahil katorse anyos pa lang, ‘yon pala bugaw.”

“Grabe. Katorse pa lang? Ano kayang nasasabi ng mga magulang no’n?”

“Wala na ‘yon. Malamang ay ganoong uri ng pamumuhay na rin ang nakalakhan nila.”

“Talagang totoo na nasa palaki ng magulang kung anong klaseng tao magiging ang isang bata sa hinaharap.”

“Sinabi mo pa.”

Marami kaming dinaanan at pinagdaanan ng kasama ko bago namin narating ang Tayuman na inakala naming mas magpapadali sa ‘min para makasakay ng jeep. At napakaraming bagay rin ang nagpamulat sa ‘kin kung gaano ako kapalad. Parang eksena at tagpo lang sa pelikula ang mga lugar na binagtas naming magkatrabaho.

Maswerte ako dahil nakapag-aral at nakapagtapos ako, ‘di gaya ng ibang bata na bata pa lang ay sa lansangan na lumaki. Anong klaseng buhay kaya ang matatamasa nila kung ganoong uri ng pamumuhay ang naibigay sa kanila? Bihira lamang sa mga ganoon ang may pursigi na maghanap ng paraan para makapag-aral at magkaroon ng inaasam na magandang kinabukasan. Sa tuwing makakakita ako ng mga nagtitinda sa gabi, natatanto ko na hindi madali ang kumita ng pera. Ang palad ko dahil meron akong matinong trabaho at kumikita ako ng ayos at sapat na minsan ay sobra pa. Totoo, mahirap mabuhay pero masaya. Nasa atin na lang kung paano nating gagawing makulay ang buhay na ipinagkaloob sa ‘tin. Di man ito uri ng pamumuhay na inaasam natin, magpasalamat na lang tayo dahil kahit papaano ay may biyaya tayong natatanggap.

“Kapag isa na lang ang kasya, mauna ka na. May hahabulin ka pang byahe,” sabi ng kaopisina ko.
“Ayoko,” saad ko dahil magkasama kami simula umpisa kaya naman dapat ay sabay kaming makasakay. At ‘di katagalan, may lumikong jeep at pareho kaming nakasakay. Pahinga ang parehong hinahanap ng mga katawan namin at mababakas mo sa mga mata ng bawat isa ang pagod at hirap na dinanas bago makaupo sa jeep.

Ala-una imedya ng umaga ako nakarating ng bahay. Oo, pagod pero balot ng kasiyahan dahil na rin sa mga bagay na natutunan at natanto ko. Masaya rin ako dahil mas nakilala ko ang ka-empleyado ko. Hindi ako nagkamali, sa kabila ng pagiging mang-iinis n’ya ay may lalim siyang taglay at may magandang istorya sa likod ng mga salamin na kanyang suot-suot.

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s